dahil sabi niya maraming nangyayari pag umaga, pag madaling araw
at kulay asul pa ang nasa labas ng bintana
at dito sa kaharian ng ating mga kumot at dalawang unan
naglalaban ang lamig ng nobyembre at init ng ating katawan.
at alam naman natin kung sino magwawagi ngayong umaga.
at maguusap muna tayo,
tayong dalawang pinasingkit ng pagtulog; nangungusap na parang ayaw ipakita ang bibig.
at sa maraming dahilan kung bakit dumadampi pa rin ang ating mga katawan sa isa’t isa;
sa mga lugar na dapat mapunta
sa atin na muna ang umaga. dahil ito lang ang kayamanan sa mundo,
ito lang ang puede munang isipin. at gawin.
dahil mayamaya lang puputi na ang asul sa bintana.
at alam ko puede rin nating isiping gabi pa at madilim, madilim pa ang lahat.
at tayo lang ang nakakakita, at tayo lang gumagalaw, at tayo lang ang humihinga.
dahil ito na lang ang oras na natitira sa atin.
At lahat ay puede.
No comments:
Post a Comment